Mga Pambansang Sagisag ng Pilipinas
1. Watawat : Watawat ng Pilipinas2. Awit: Lupang Hinirang
3. Wika: Filipino
4. Bayani: Jose Rizal
5. Bahay: Bahay Kubo
6. Puno: Narra
7. Bulaklak: Sampaguita
8. Prutas: Mangga
9. Dahon: Anahaw
10. Hayop: Kalabaw
11. Ibon: Agila ng Pilipinas
12. Isda: Bangus
13. Kasuotang Panlalaki: Barong Tagalog
14. Kasuotang Pambabae: Baro at Saya
15. Laro: Sipa
16. Sayaw: Cariñosa
17. Ulam: Lechon
1. Pambansang Watawat : Watawat ng Pilipinas
Pangunahing simbolo ng ating bansa ang Watawat ng Pilipinas.
Tatlo ang kulay nito - bughaw, pula at puti. Ang bughaw ay para sa kapayapaan na mahalaga sa pag-unlad ng bansa. Ang pula ay para sa kagitingan na magpapaalala sa matatag na kalooban ng mga mamamayan. At ang puti ay para sa kalinisan ng puri at dangal ng mga Pilipino.
Ang tatlong bituin ay kumakatawan sa tatlong pangkat ng pulo ng Pilipinas – Luzon, Mindanao at Visayas.
Ang unang bituin ay para sa Luzon na ang pangalan ay mula sa “lusong” na ginagamit sa pagtanggal ng ipa at darak sa bigas. Ito ay sumasagisag sa kasipagan ng mga Pilipino.
Ang ikalawang bituin ay para sa Mindanao na ang pangalan ay mula sa “danaw” o lawa. Ito ay sumasagisag sa tungkulin ng mga Pilipino na pangalagaan at ingatan ang kalikasan gaya ng yamang-tubig ng Pilipinas.
Ang ikatlong bituin ay para sa pulo ng Visayas na ang pangalan ay mula sa salitang masaya. Ito ay upang laging kabakasan ng saya ang mga kilos at kalooban ng mga Pilipino.
Ang araw sa gitna ng tatsulok ay sumisimbolo sa kaliwanagan ng isipan. Ang walong sinag naman kumakatawan sa mga walong lalawigan na unang naghimagsik upang ipagtanggol ang kalayaan ng bayan – Maynila, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Bataan, Laguna, Batangas, at Cavite.
Ang watawat ng Pilipinas ay natatangi. Naihahayag nito kung ang bansa ay nasa digmaan. Kapag ang pulang kulay ay nasa itaas, nangangahulugan na ang Pilipinas ay nasa digmaan.
Ang Watawat ng Pilipinas ay dinesenyo ni Emilio Aguinaldo. Ito ay unang tinahi sa loob ng limang araw sa HongKong nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa Natividad.
Iniladlad sa unang pagkakataon ang watawat ng Pilipinas sa bintana ng bahay ni Emilio Aguinaldo noong Hunyo 12, 1898.
2. Pambansang Awit : Lupang Hinirang
Bayang Magiliw
Perlas ng Silanganan,
Alab ng puso
Sa dibdib mo'y buhay.
Lupang Hinirang,
Duyan ka ng magiting,
Sa manlulupig,
'Di ka pasisiil.
Sa dagat at bundok,
Sa simoy at sa langit mong bughaw,
May dilag ang tula
At awit sa paglayang minamahal.
Ang kislap ng watawat mo'y
Tagumpay na nagniningning,
Ang bituin at araw niya
Kailan pa ma'y 'di magdidilim.
Lupa ng araw, ng luwalhati't pagsinta,
Buhay ay langit sa piling mo;
Aming ligaya, na 'pag may mang-aapi
Ang mamatay nang dahil sa 'yo.
Ang himig ng Pambansang Awit ng Pilipinas ay ginawa ng pianistang si Julian Felipe ayon sa kahilingan ni Hen. Emilio Aguinaldo nang hindi niya nagustuhan ang komposisyon ng isang Pilipinong nasa Hong Kong.
Ang orihinal na komposisyon ni Felipe ay pinamagatang “Marcha Filipina Magdalo”. Tinugtog niya ito sa unang pagkakataon isang araw bago ang pagdeklara ng kasarinlan sa harap ng mga pinuno ng rebolusyon na nagkaisang aprobahan rito.
Noong Hunyo 12, 1898, tinugtog ang komposisyon ni Felipe habang inilaladlad sa unang pagkakataon ang bandila ng Pilipinas sa bintana ng mansion ni Aguinaldo.
Pinalitan nila ng “Marcha Nacional Filipina” ang titulo nito at agad na naging “National Anthem” kahit wala pa itong liriko o titik.
Nang sumunod na taon, isang tula na may titulong “Filipinas” na bumagay sa komposisyon ni Felipe ang isinulat ng isang batang sundalo na si Jose Palma. Ito ang ginawang opisyal na liriko ng Pambansang Awit.
Noong Panahon ng mga Amerikano, isinalin sa Ingles ang liriko ng Pambansang Awit. Ang unang pagsasalin ay ginawa ni Paz M. Benitez ng Unibersidad ng Pilipinas. Gayunpama’y pinaka-kilalang bersyon ang isinulat nina Mary A. Lane at Sen. Camilo Osias, na kilalang “Philippine Hymn”.
Naging opisyal ang Pambansang Awit na may lirikong Ingles sa batas ng Commonwealth Act 382 na ipinasa ng Kongreso ng Pilipinas noong Disyembre 5, 1938.
Noong mga taong 1940, nagsimulang lumabas ang bersyong Tagalog ng Pambansang Awit. Noong 1948, inaprubahan ng Departamento ng Edukasyon ang “O Sintang Lupa” bilang Pambansang Awit sa Pilipino.
Noong 1954, si Gregorio Hernandez, Jr., Kalihim ng Edukasyon na ay bumuo ng komite para baguhin ang mga titik ng Pambansang Awit. Nagawa ang bagong bersyon na pinamagatang “Lupang Hinirang”. Nagkaroon lang ito ng kaunting rebisyon noong 1962.
Sa bisa ng isang batas sa mga Bagong Pam-bansang Sagisag ng Pilipinas noong 1998, nakum-pirma ang bersyong Filipino ng Pambansang Awit.
Ayon sa batas, tanging ang bersyong Filipino ng Pambansang Awit ang dapat gamitin ngayon. Ngunit, ang opisyal na liriko sa Kastila ay nananatiling ang gawa ni Palma at sa Ingles naman ay ang gawa nina Lane at Osias kahit hindi ito bahagi ng opisyal na Pambasang Awit ng Pilipinas.
Ito rin ay dapat awitin nang ayon lamang sa tugtog o komposisyon ni Julian Felipe.
Dapat awitin nang madamdamin ang Lupang Hinirang. At bilang paggalang, lahat ng uma-awit nito ay dapat nakaharap sa nakaladlad na Pambansang Watawat ng Pilipinas (kung mayroon) at kung wala naman, ay dapat humarap sa bandang tumutugtog o sa konduktor o tagakumpas. Bilang pagpupugay, dapat ilagay ang kanang kamay sa tapat ng kaliwang dibdib mula sa unang nota ng awit.
3. Pambansang Wika: Filipino
Aa Bb Cc Dd Ee Ff Gg Hh
Ii Jj Kk Ll Mm Nn Ññ NGng
Oo Pp Qq Rr Ss Tt Uu Vv
Ww Xx Yy Zz
Taong 1937, ang Instituto ng Pambansang Wika ay binuo ng Unang Pambansang Asembleya. Pumili sila ng wikang pagbabasehan ng wikang pambansa. Pinili nito ang Tagalog . Ang Pambansang Wika ay nakilalang Pilipino noong 1961. Pagkaraan ng ilang taon, pinalitan ang pangalan nito ng Filipino.
Sa Saligang Batas ng 1987, ang Filipino ang itinakdang pambansang wika at isang opisyal na wika ng Pilipinas.
Nagkaroon ng mga pagbabago ang alpabetong Pilipino hanggang naging 28 ang mga letrang bumubuo dito.
Ang Linggo ng Wika ay ipinagdiriwang sa Pilipinas sa buwan ng Agosto. Karaniwang itinatapat ito sa Agosto 18 na kaarawan ni Pangulong Manuel L Quezon, na siyang tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa”.
4. Pambansang Bayani: Dr. Jose Rizal
Si Jose Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda ay isinilang noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna.
Si Rizal ay pampito sa labing-isang anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo. Ang kanyang mga kapatid ay sina Saturnina, Paciano, Narcisa, Olympia, Lucia, Maria, Concepcion, Josefa, Trinidad at Soledad.
Ang ama ni Rizal ay isang matagumpay na negosyante at magsasaka. Ang kanyang ina, na may tindahan sa isang bahagi ng ibaba ng kanilang bahay ay matalino at edukada na mahilig sa literature at matematika.
Lumaki si Rizal sa isang pamilyang sagana sa mga pangangailangan dahil sa kasipagan ng mga magulang. Itinuturing na prominente ang kanilang pamilya sa panahon ng kolonisasyon.
Mula sa kanyang kamusmusan ay sagana si Rizal sa pagkalinga at pagmamahal ng kanyang pamilya. Matiyaga siyang bina-basahan ng kanyang ina ng mga tula at kuwento sa gabi. Sa edad na tatlo ay natuto na siyang sumulat at magbasa.
Mula pagkabata, nasaksihan niya ang karahasan ng mga Kastila sa mga Pilipino.
Edad 10 si Rizal nang pagbintangan ang kanyang ina sa isang kasalanang hindi nito ginawa. Pinalakad si Donya Teodora nang mahigit 20 milya papunta sa kapitolyo ng Sta. Cruz ng mga Kastilang opisyal na pinapakain nila sa kanilang tahanan.
Sa kabila ng mga aksyong legal at mga apela sa Maynila, nakulong pa rin si Donya Teodora nang mahigit dalawang taon.
Nang sumiklab ang pag-aalsa sa Cavite, pinagbintangang kasabwat kaya pinatay ng mga Kastila ang mga paring sina Gomez, Burgos at Zamora. Ang kapatid ni Rizal na si Paciano ay nagtago dahil guro nito si Padre Jose Burgos, isa sa tatlong paring martir.
Upang makaiwas sa lalo pang pag-uusig ng mga Kastila, nagpalit ng apelyido ang pamilya. Ang Mercado ay naging Rizal.
Sa panahong iyon, pinag-iinitan ang mga Pilipinong matalino at may kakaibang kakayahan.
Ngunit hindi nila napigilan si Rizal. Siya’y nakapag-aral sa magagandang eskuwelahan, natuto, lalong nahasa ang talino, kakayahan at talento at nakapaglakbay sa maraming panig ng mundo.
Si Rizal ay nakilala bilang isang magaling na manggagamot, pintor, arkitekto, magsasaka, orador, guro, enhinyero, manunulat at iba pa.
Inihayag ni Rizal ang kanyang pagiging makabayan at tumulong upang buksan ang isipan ng mga Pilipino upang ipaglaban ang kalayaan. Ito ay sa pamamagitan ng kanyang pagsusulat. Ang pinakatampok niyang akda ay kanyang dalawang nobela na “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo”.
Dahil sa kanyang mga panulat at sa adhikaing makalaya ang Pilipinas mula sa mga Kastila, si Rizal ay pinaratangang taksil sa pamahalaan. Siya ay ipinakulong at binaril ng mga Kastila sa Luneta noong Disyembre 30, 1896.
5. Pambansang Tirahan: Bahay Kubo
Ang tipikal na Bahay Kubo ay simple at munting tirahan na yari sa mga materyal gaya ng kawayan, buho at nipa o kogon.
Sa panahon ngayon, ang Bahay Kubo ay halos nakikita na lamang sa mga liblib na lugar ng bansa at sa mga bukid. Karaniwan itong pahingahan ng magsasakang galing sa pagtatrabaho sa bukid.
Gayunpaman, ginagawa rin itong pang-akit sa mga turista o bakasyunista sa mga piling pasyalan o pook-bakasyunan gaya ng mga resort.
6. Pambansang Puno: Narra
Ang Narra ay matuwid, matigas, matibay at matatag na punongkahoy. Ang mga katangiang ito ng Narra ay maihahalintulad sa mga Pilipino.
Ang Narra ay matatagpuan sa buong bansa ngunit ang karamihan ay sa Bicol, Mindanao at sa Lambak ng Cagayan.
Dahil sa magandang uri ng kahoy nito, mainam itong gawing mga muwebles at gamit sa pagpapatayo ng mga bahay.
7. Pambansang Bulaklak: Sampaguita
Maputi at mabango ang Sampaguita. Simbolo ito ng kalinisan.
Ang pagtitinda ng sampagita ay karaniwan na ring hanapbuhay ng ilang mga Pilipino. Tinatalian nila ito at ginagawang kuwintas, “corsage” o korona sa mga pagdiriwang. Ginagamit din ang mga ito sa pag-welcam ng mga panauhin. Ang langis nito ay dini-distill at ipinagbibili.
Ang Sampaguita ay naging Pambansang Bulaklak ng Pilipinas mula noong 1934.
Ang bayan ng San Pedro, Laguna ay kilala bilang Bayan ng Sampaguita ng Laguna”. Bilang pangunahing suplayer ng Sampaguita sa buong Laguna at Metro Manila, ang produksiyon nito ang isa sa mga pinagkakakitaan ng maraming mamamayan sa bayang ito.
8. Pambansang Prutas: Mangga
Ang Mangga ay may iba’t ibang uri ngunit halos lahat ay hugis-puso. Marahil ito ang isa sa mga pinagbasehan kung bakit ito ang naging Pambansang Prutas ng Pilipinas. Maaari kasi itong sumagisag sa pagiging mapagmahal ng mga Pilipino.
Ang pangalan ng prutas na ito ay hango sa salitang Tamil na “maangai” o sa salitang Malayalam na “maanga”. Pinasikat ito ng mga Portugis pagkatapos ng kanilang eksplorasyon sa India kaya naging “manga” sa Portugis.
Ang Mangga ay may makinis na balat. Karamihan ay dilaw ang kulay nito kapag hinog na. Berde ang kulay nito kapag hilaw pa.
Masarap itong kainin, hilaw man o hinog.
Kapag hilaw, kadalasan itong tiniternuhan ng bagoong na alamang o asin at nilalagyan pa ng pampaanghang. Ginagamit din itong pang-asim sa sinigang na isda.
Kapag hinog, masarap itong kainin kahit walang ibang halo. Kilala kahit sa ibang bansa ang pinatuyong matamis at hinog na mangga.
Hilaw man o hinog, inihahalo ito sa mga inuming pampalamig, “shake”, sorbetes at maging sa “pie”.
Karaniwan na ang puno ng Mangga sa maraming bahagi ng Pilipinas. Tumataas ito hanggang 40 metro.
Pagkatapos ng pamumulaklak, ang prutas ay umaabot ng 3 hanggang anim na buwan para mahinog.
Dahil sa maraming produksyon ng Mangga sa Pilipinas, ito ay dinadala at ibinebenta na sa ibang bansa. Partikular na kilala at hinahangaan ang magandang kalidad ng mga Mangga sa isla ng Guimaras.
9. Pambansang Dahon: Anahaw
Ang dahon ng Anahaw ay malapad na korteng pamaypay.
Kapag tag-ulan, ginagamit ito ng mga magsasaka na panakip sa kanilang likod. Ito ay karaniwang tumutubo sa mga kagubatan sa maraming bahagi ng kapuluan.
Ang dahon ng Anahaw ay ginagawa ring pamaypay, banig at pambubong ng bahay.
Ang puno nito na tumataas hanggang 20 metro at may diametrong 20 centimetro ay karamihang ginagamit sa mga palaisdaan. Ang kahoy nito ay ginagamit na haligi at sahig ng mga bahay sa kanayunan. Maganda rin itong materyal sa paggawa ng pana, baston at iba pa.
Ang buko ng Anahaw ay puwedeng gulayin.
Inaalagaan din ang Anahaw bilang ornamental. Maganda itong pandagdag sa dekorasyon kapag may pagdiriwang.
10. Pambansang Hayop: Kalabaw
Ang Kalabaw ay masipag, matiyaga, malakas at maamong hayop na inaalagaan ng mga magsasakang Pilipino. Ang mga katangiang ito ay maihahalintulad sa mga katangian ng mga Pilipino.
Sadyang maasahan ang kalabaw sa maraming gawaing-bukid lalo na sa pag-aararo at paghihila ng mga mabibigat na bagay.
Ang kalabaw ay malaking hayop at karaniwang itim ang kulay. Albinong kalabaw ang tawag sa hindi itim.
Minsan lamang manganak sa loob ng isang taon ang kalabaw.
Likas na tahimik ang kalabaw. Bihira lamang itong mag-ingay. Kalimitan, sa umaga at sa hapon ito nanginginain ng mga damo.
11. Pambansang Ibon: Agila
Ang Agila ng Pilipinas na dating kilala bilang “monkey eating eagle” ay itinuturing na isa sa mga pinakamalaki, pinakama-kapangyarihan, at pinakatanging uri ng agila sa buong mundo.
Ang mag-asawang Agila ay magkasama habambuhay. Ang babae ay nangingitlog ng isa lang. At ang inakay ay inaalagaan ng mag-asawang Agila sa loob ng mga 20 buwan. Dahil minsan lamang mag-prodyus sa loob ng 2 taon, mabagal silang dumami.
Maaring mabuhay ang ibong ito sa loob ng 30 hanggang 60 taon ngunit nakakalungkot na sa kasalukuyan, isa ito sa mga ibon na “critically endangered” o nanganganib mawala.
Kaya ang Philippine Eagle Foundation sa pakikipagtulungan sa pamahalaan ay nagsisikap maprotektahan at maparami ang ibong ito. Ito ay sa suporta rin ng mga pribadong indibidwal na nagmamalasakit sa Agila ng Pilipinas.
12. Pambansang Isda: Bangus
Ang Bangus ay isang uri ng isdang tabang. Inaalagaan at pinalalaki ito sa mga palaisdaan. Puti ang kaliskis nito at malinamnam ang laman. Bagama’t matinik ang Bangus, paborito ito ng maraming Pilipino.
Karaniwang niluluto ang Bangus na inihaw, sinigang, paksiw, prito at pansahog sa mga gulay. Masarap din itong gawing relyeno. Sa lutong ito, tinatanggalan na agad ng mga tinik ang Bangus. Karaniwan na rin sa mga pamilihan ang “boneless Bangus”. Bukod sa masarap, wala na itong tinik at lulutuin na lang. Tinatangkilik ito ng maraming mamimili.
13. Pambansang Kasuotang Panlalaki: Barong Tagalog
Ang Barong Tagalog ay panlalaking pormal na kasuotang na may burda.
Ang salitang “Barong Tagalog” ay may literal na kahulugang “damit o baro ng Tagalog”.
Karaniwang gawa ito sa manipis at magaang tela tulad ng piña at jusi. Tak awt ang pagsusuot nito. Kadalasan itong ginagamit sa mga kasalan at mga pormal na pagdiriwang.
Sinasabing ang pagsusuot nito ay nagsimula pa bago ang panahon ng mga Kastila.
Ngunit may mga eksplanasyong historikal na nagsasabing nauso ang Barong Tagalog sa Panahong Kolonyal ng mga Kastila noong 1565 hanggang 1898.
Noong nagsimula ang pamumuno ng mga Kastila sa Pilipinas, ipinatupad nila ang pagsusuot ng Barong Tagalog ng mga kalalakihang Pilipino. Ito ay upang makilala agad ang mga Pilipino.
Isang dahilan diumano kumbakit tak awt ang pagsusuot nito at manipis ang telang ginagamit ay dahil mas angkop sa panahong tropikal ng bansa.
Ang isa pang sinasabing dahilan kaya ipinagbawal ang pag-tak in ng barong ay dahil palatandaan daw ito ng pagiging mas mababa ng mga katutubo. At kailangang manipis ang tela o materyal na gagamitin ay upang hindi makapagtago ng armas na magagamit laban sa mga namumunong Kastila. Ipinagbawal din ang bulsa sa Barong para maiwasan daw ang pagnanakaw.
Sa paglipas ng mga taon, nagkaroon ng tinatawag na “new middle class” o “principalia” sa mga Pilipino. Sila ang mga Pilipinong naging bihasa sa mga Batas ng Kastila, umunlad ang pamumuhay dahil nagtagumpay sa pagnenegosyo o sa pagsasaka at nagkaroon ng maraming lupa.
Nabigyan sila ng mga tanging prebilihiyo gaya ng pagtatayo malalaking bahay sa kabayanan at karapatang bumoto. Pero kailangan pa rin nilang mag-Barong Tagalog.
Nakilala ang Barong Tagalog pagkatapos itong ideklara ng Unang Pangulo ng Pilipinas na si Manuel L. Quezon bilang Pambansang Kasuotan. Pinaganda ang mga disenyo o burda at tela ng kasuotang sinasabing nagmula pa sa panahon bago ang mga Kastila. At ito’y naging opisyal na simbolo ng pagtutol ng mga Pilipino sa kolonisasyon.
Lalo pang sumikat ang Barong Tagalog nang gamitin ito ni Pangulong Ramon Magsaysay sa mga pormal na pagtitipon lalo na sa kanyang pagkakatalaga bilang pangulo. Siya ang unang Pangulo ng Pilipinas na gumamit ng Barong Tagalog sa kanyang “portrait”.
Noong 1975, lalo pang nakilala ang Barong Tagalog nang iproklama ni Pangulong Ferdinand Marcos ang opisyal na “Linggo ng Barong Tagalog” (Hunyo 5 – 11). Ito ay sa layuning palawakin ang paggamit ng nasabing kasuotan.
Ngayon, paborito pa rin ng mga Pilipino ang Barong Tagalog. Ginagamit ito sa mga pormal na pagdiriwang at tanging okasyon. Tak awt pa rin ang pagsusuot nito. Pero ang mga disenyo at tela ay mas pinagaganda pa.
14. Pambansang Kasuotang Pambabae: Baro’t Saya
Ang Baro ay walang kuwelyo at manipis ang tela na kasuotang pang-itaas ng mga kababaihang Pilipino.
Ang Saya ay mahabang palda na gawa sa mas makapal na tela ng koton, sinamay at iba pang kauri ng mga ito.
Kadalasan, ang dalawang pirasong kasuotang ito ay may kasama ring tapis na ginagamit na pampatong sa saya at alampay na pantakip sa dibdib.
Habang lumilipas ang panahon, ang saya ay halos nananatiling simple. Ang baro naman ay nagkaroon ng iba’t ibang disenyo. Hindi lang lalong gumanda kundi naging bongga ito dahil sa mga burda, sekwins at iba pang palamuti na inilalagay dito.
15. Pambansang Laro: Sipa
Ang larong Sipa ay sumasagisag sa pagiging mabilis sa mga hakbanging dapat isagawa.
Ang mga manlalaro ay gumagamit ng maliit na bakal na may buntot o kumpol ng mga goma o tinastas na sako. Sinisipa ito ng mga manlalaro.
Ang Sipa ay katumbas din ng Sepak Takraw na ang layunin ng mga manlalaro ng bawat grupo ay patagalin ang bola sa ere.
16. Pambansang Sayaw: Cariñosa
Ang Cariñosa ay isang uri ng sayaw na kilala sa buong Pilipinas. Ang salitang Cariñosa ay salitang Kastila na ang ibig sabihin ay mapagmahal, maganda, o palakaibigan.
Gamit ang pamaypay o panyo, ang mga mananayaw ay ay mga hakbang ng pagtataguan at panunukso na naghahayag ng damdamin sa isa’t isa. May mga iba pang bersyon ang sayaw na Cariñosa pero ang “Taguan” ang pinakakaraniwan sa lahat.
17. Pambansang Pagkain: Lechon (Buong Baboy na Inihaw)
Ang Lechon o buong Baboy na inihaw ay paboritong handa ng mga Pilipino sa mga pistahan at mga tanging pagdiriwang.
Simbolo ito ng kasaganaan dahil ito ay karaniwang nakikita sa hapag at handaan ng mga Pilipinong nakaririwasa ang pamilya.
Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
ReplyDeletemayocareclinic@gmail.com
Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.